Patungo sa talon sa Hibanga
Nagpa-linang kami kahapon nina Dad at ng pinsan kong si Dante. Sabi kasi nang nakababatang kapatid ni Dante na si Henry ay pupunta raw kami sa may talon. Kaya kahit na medyo nananakit pa ang katawan ko sa maghapong pag-badminton nung Linggo, eh nagpa-ilaya pa rin kami.
Tanghali na ng kami ay lumakad patungo sa talon. Kasama ko ang dalawang naglalakihan kong mga pinsan, si Henry na kababata ko, at si Dante na may 12 taon ang tanda sa akin. Dun kasi sila lumaki sa linang, kaya sanay sila sa lugar na iyon.
Nung kami’y nangangalahati na sa aming lakad, ay tsaka naman kami naligaw. Hindi pala kabisado ni Henry yung daan kaya mahigit isang oras kaming naghanap ng daan. Aming binaybay ang mga kabukiran at gilid ng mga bundok. Maski nga hindi daanan ng tao, masukal man o hini, ay pinagtiyagaan naming matukuyan ang daan.
Dahil nga sa kami’y naliligaw na, sumisigaw na si Henry, nagbabakasakaling may makarinig na magsasaka. Maya-maya pa’y naabutan rin namin yung pinagbilinan naming kamag-anakan nila. Nanggaling na pala sa talon yung tiyuhin nila at pabalik na sana sa kanyang bahay. Sa madali't sabi'y siya na ngayon ang nagdala sa ‘min sa talon.
Ang daan patungo sa talon ay masukal at matarik dahil bihira naman raw iyon dayuhin. Gilid ng bundok ang aming tinahak, walang makapitang sanga at bihira ang mga mahahawakang ugat. Malalim na bangin ang pwede mong bagsakan sa kanan at kahit na mataas ang aming pinagbuhatan, ay rinig mo na ang agos ng tubig.
Sa ibaba, malalaking bato at tubig na sobrang lamig ang unang babati sa iyo. Gusto ko sanang dun na magpahinga sa may bukana pero kailangan naming tawirin ang mga bato at tubig paahon, upang makarating ng talon. Sa mga sandaling iyon, nanginginig na ko sa lamig. Amin nang tinatahak ang isang makitid na sapa, sa pagitan ng dalawang bundok. At matapos ang ilang minuto, amin ring narating ang talon kung saa'y kami’y nakapagpahinga sa malumot na mga bato na nakapaligid rito.
Sandaling napawi ang aming pagod nang aming nakita ang lakas ng agos ng tubig na mula sa bundok. At makalipas ang ilang sandali'y sinimulan na rin namin ang paglalakad pabalik sa bahay.
Kung anong hirap at tagal ng pagbaba, ay mas mabilis ngunit nakahahapo naman ang aming pag-ahon mula sa talon. Sa bungad ng burol ay may nakaabang na nakabayo. Doon ako pinaangkas ng kanilang tiyuhin kaya may ilang minuto rin akong nakalibre sa paglalakad. Mas ma-ikli ang aming tinahak na daan pabalik sa bahay at mag-aalas-kwatro na nang kami’y nakauwi.
Kung mamarapatin ay nais kong balikan ang talon. Para sa susunod ay makapaglaan kami ng oras para lumangoy at mag-picnic.
0 Comments:
Post a Comment
Subscribe to Post Comments [Atom]
<< Home